‘Porresbarbers’
by Linda Bohol
HINDI lamang sa kababaihan mahalaga ngayon ang ‘proper grooming’ kundi maging sa kalalakihan. Alam mo ba na may mga lalaking maituturing na ‘badinoso’ na masyadong concern sa ganitong pangangalaga sa sarili dahil para sa kanila, nakatutulong na makalikha ng ‘very good impression’ sa isang indibiduwal at makatulong na maiangat ang kaniyang professional career.
Kapansin-pansin sa ating paligid na may mga taong masasabi nating matagumpay sa kanilang piniling propesyon sa larangan ng pelikula, entertainment, palakasan, negosyo o pulitika, makikita mo na sila’y ‘well groomed’ at ‘well behaved.’
Ang ‘good grooming’ sa kalalakihan ay hindi nangangahulugan na kailangan mong gumamit ng mga mamahaling ‘male grooming products’ o ‘male grooming kits.’ Nandiyan din sa paligid ang mga ordinaryong barberya na mahusay mangalaga sa kanilang customers.
Porresbarbers shop
Maliban sa sari-sari store, coffee shop, beauty parlors, ang barberya ay kilala din na umpukan ng mga tsismis na madalas ay may hatid na katotohanan na kinasasangkutan ng mga kilalang personalidad mula sa mga artista at pulitiko. Ika nga ng marami ‘kwentong barbero.’
Ang Porresbarbers, ay isa sa pinakabagong barbershop na binuksan kamakailan sa mataong lugar at ‘busy thoroughfare’ ng Kabihasnan Road, Parañaque City.
Layunin nito na magbigay ng abot-kayang halaga ng gupit at dekalidad na grooming services sa pagpapaganda sa sarili.
Ayon kay Jojo Navarro, isa sa apat na nagma-may-ari sa bagong bukas na Porresbarbers, ang isang maliit na negosyong gaya nito ay tila isang pagpapatuloy ng kanilang “high school project” sa pagitan nilang dating mga magkaklase sa high school na nais magsosyo sa isang negosyo habang pinayayabong ang kani-kanilang pansariling karera sa buhay.
Matatagpuan ang Porresbarbers sa ikalawang palapag ng Agape Center sa kahabaan ng Kabihasnan Road sa Barangay San Dionisio, Parañaque City.
Sinabi pa ni Navarro na ang naturang barbershop venture ay resulta ng maraming brainstorming sessions ng apat na dating schoolmates mula sa Parañaque Municipal High School (PMHS) na magkaroon ng karagdagang mapagkakakitaan.
Kasama ni Navarro ang tatlo pa nitong kaibigan—dalawa dito ay nasa communications business at isa ang nasa accounting profession – na bumubuo sa Kabihasnan branch ng Porresbarbers.
“We thought it’s time to give back to our community. Our lives were practically shaped by the ways and values of Parañaque. And we’re saying ‘thank you” by way of a barbershop that would cater to our community,” ayon kay Navarro
Nilinaw pa ni Navarro na dahil masyadong mataas ang singil sa pagpapagupit sa mamahalin o high-end salons at barbershops sa mga shopping malls, nais ng Porresbarbers na makatulong sa kanilang mga kabarangay sa pamamagitan ng abot-kayang singil sa pagpapagupit dagdag pa ang komportableng ambience ng lugar.
“We’re taking the mall barbershop outside and closer to the communities. This is our homecoming,” ani Navarro.
Sinabi pa ni Navarro, na konektado sa isang kumpanya ng memorial service provider, malaki ang naitulong sa kaniya ng dating kaklase at ngayo’y kasosyo na si Prudencio Gadil, para makumbinsi o mabuksan ang isipan sa larangan ng pagnenegosyo.
Si Gadil o mas kilala bilang “Dennis” sa larangan ng pamamahayag ay kabilang sa nagmamay-ari ng anim (6) na matagumpay na sangay ng Newsbarbers sa Metro Manila sa magkakaibang partners na karamihan ay kapwa niya mamamahayag.
Naniniwala kasi si Gadil na hindi panghabambuhay ang kaniyang karera sa ngayon kaya mas mabuti na magkaroon ng iba pang pagkakakitaan na isang maliit at sariling negosyo para hindi ‘mapilay’ kung sakaling biglaang mawala siya sa kaniyang karera.
“Porresbarbers is a barbershop enterprise targeting mid-level and community-based clientele,” ani Gadil.
“We want a barbershop that is community-based. The community must first embrace it before it can become a part of their daily lives,” pahayag pa ni Navarro.
Higit sa lahat nais ng grupo ng Porresbarbers na maibalik ang sinasabing ‘old world charm’ sa isang barbershop kung saan dito nakapupulot at nakikipagpalitan ng kuro-kuro at pala-palagay ang mga customer mula sa matatanda, kabataan, pulitiko, artista at mga kilalang personalidad.
“Before kasi di ba pag may gusto kang hanapin na tao o latest tsismis, sa barberya mo mapupulot yun? We want to continue with that tradition,” paliwanag pa ni Gadil.
Bilang patunay sa layunin ng Porresbarbershop na nais nilang makatulong na mabawasan ang gastusin ng mga magulang, sumisingil lamang ang ito ng mula sa P50 hanggang sa P70 para sa isang basic haircut at nagbibigay din ng mga serbisyo para sa kababaihan o female clients gaya ng nail art, facial at hair dye para hindi mainip habang hinihintay ang kanilang asawa o boyfriend na nagpapagupit.
Ang Porresbarbers ay isinunod kay San Martin de Porres, ang unang black saint na patron na saint of barbers ng mga mahihirap.
Ayon kay Gadil, bilang starting capital, nagsimula sila sa P600,000 kasama na ang upa sa pwesto at mga kagamitan sa barbershop. (May 23, 2011 7:09pm HKT)